By Kimberly Pajinag

Ang “Gulbuk tano” ay Maranao na salita para sa “magsikap tayo”.

“Magsisimula kaming muli, hanggang sa mapaunlad namin, hanggang sa maaayos namin ang aming mga buhay,” wika ni Megi, isang bakwit mula sa Marawi habang sinasalaysay ang matinding kagustuhan na makabangong muli. (Photo: Lade Kabagani/PIATFBMICCC)

Sa isang maliit na espasyo ng evacuation center, masisilayan ang di masusukat na determinasyon ng isang ina para sa kanyang pamilya na makapagpundar ng bagong simula. Kapansin-pansin ang kanyang pagnanais na bumuo ng bagong pag-asa sa likod ng kinakaharap na unos.

Siya si Megi Mamintal, tatlumpu’t-walong taong gulang, simpleng may-bahay at ina sa tatlong magkakapatid. Tahimik silang naninirahan noon ng kanyang pamilya sa Brgy. South Madaya bago sumiklab ang gulo sa lungsod ng Marawi. Ang kanyang kinabibilangang barangay ay isa sa tatlumpu’t-tatlong barangay na mas higit na naapektukhan sa nakalipas na sagupaan ng militar at mga terorista.

Ang pagsiklab ng kaguluhan sa Marawi ang naging dahilan sa paglikas na nagdala sa kanyang pamilya sa Sta. Elena Evacuation Center sa lungsod ng Iligan. Doon ay pansamantala ring naninirahan ang halos lahat ng kanilang kabarangay kasama ang ilan nilang mga kaanak.

Bagama’t mahirap ang pinagdaraanan ng bawat bakwit sa loob ng evacuation center, hindi naman namamatay ang pag-asa ng mga ito na marahil bukas-makalawa, ang lahat ay maibabalik sa dati. At ang kanilang dating buhay na naiwan sa Marawi, ang kanilang payapang bayan at mayamang kultura ay muli nilang maibabahagi sa mga susunod na salinlahi.

Sa kasalukuyan, samu’t-saring paninda gaya ng tinapay, sitsirya, de latang ulam, instant noodles, kape, bigas, kendi, atbp. ang pangunahing kabuhayan ng maraming bakwit sa Sta. Elena. Sa tulong ng mga sari-sari store kits na ipinamahagi ng Department of Trade and Industry (DTI), mayroon na muling pinagmumulan ng kita ang mga bakwit kagaya ni Megi.

Ang pamamahagi ng business starter kits ay isa sa mga programang pangkabuhayan ng DTI para sa mga bakwit ng Marawi. Para kay Megi, malaking tulong na nagkaroon siya ng sari-sari store dahil dito nila kinukuha ang panggastos para sa kanilang mga pangangailangan gaya ng pagkain, inumin, damit, pambaon ng mga bata sa eskwela, at iba pa.

“Minsan kapag wala na kaming stock ng bigas, may sari-sari store kami na pinagkukunan namin ng pambili ng pagkain namin. Kahit na may paninda kami, kung di mo paiikutin, wala. Kasi mapupunta rin sa pagkain, bumibili pa kami sa labas ng pagkain,” kwento niya.

Bukod sa DTI, nariyan rin ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang bigyang-oportunidad ang mga bakwit na makahanap ng trabaho sa hinaharap. Sa katunayan, isa ang asawa ni Megi sa kasalukuyang benepisyaro ng skills training program ng DTI. Binabalak rin ni Megi na makapag-enroll sa dressmaking ng TESDA sa sandaling makatapos ang kanyang asawa sa pag-aaral ng welding.

“Nag-aaral siya (asawa ni Megi) sa TESDA. Kasi gusto niya, pag-uwi namin, may mapasukan siya o mabigyan siya ng trabaho; may kaalaman siya, kasi nag-aral siya sa TESDA,” paliwanag ni Megi.

Bilang isang ina, maybahay at mamamayan ng Marawi, si Megi ay isang huwaran ng katatagan at katapangan. Agawin man ng karahasan ang kanilang mga ari-arian, hindi pa rin maaagaw ninuman ang kanyang determinasyong bumangon at lumaban sa kahit anong hamon ng buhay.