Ni Kimberly A. Pajinag

MARAWI CITY, Lanao del Sur, March 2 (PIA TFBM ICCC) —  Limang buwan mula nang matapos ang giyera sa Marawi ay pahihintulutan na ng gobyerno ang mga residente ng 24 na barangay sa most affected areas (MAA) na mabisita ang kanilang mga tahanan sa Abril.

Ito ang inanunsyo ni Task Force Bangon Marawi Chairperson at Housing and Urban Development Coordinating Council Secretary Eduardo Del Rosario sa ginanap na community dialogue noong Marso 1 sa pagitan ng mga opisyal ng TFBM at ng mga residente 24 na barangay sa MAA.

Ipinaliwanag ni TFBM Chairperson Del Rosario sa mga residente ng Marawi most affected areas ang mga pangunahing aspeto ng binubuong Marawi Comprehensive Rehabilitation and Reconstruction Plan. (Kim Pajinag / PIA ICCC)

Sa loob ng limang araw sa Abril ay mabibigyan ng pagkakataon ang mga residente na maisalba ang lahat ng mga kagamitan at pag-aari sa kanilang mga tahanan bago pumasok ang mga developer sa Marawi para sa rehabilitasyon nito.

Ayon kay Sec. Del Rosario, ang hakbang na ito ay tugon sa matagal nang kahilingan ng mga residente na muling mabisita ang kanilang mga bahay ngayong tapos na ang giyera.

Dagdag ni Del Rosario ay kaagad na ihahanda ng Task Force ang schedule ng mga barangay  para sa kanilang pagbisita sa Abril. (KAPajinag / PIA TFBM ICCC)