Ni Lou Ellen L. Antonio

MARAWI CITY, May 30 (PIA TFBM ICCC) — Mahigit limampung lokal na magsasaka ng Bubong, Lanao del Sur ang nakabenepisyo sa inilunsad na 50 ektaryang hybrid rice technology demonstration farm ng SL Agritech Corporation sa Barangay Pantar.

Bilang bahagi ng pagsisikap para sa rehabilitasyon sa Marawi City, nakipagtulungan ang SL Agritech Corporation sa Go Negosyo at provincial government ng Lanao del Sur.

Layunin ng inisyatibong ito na magbigay ng kaalaman at kasanayan sa mga magsasaka ukol sa teknolohiyang makakatulong sa mas maunlad na pagsaka ng palay. Tinuruan ng tamang pagtanim ng SL Agritech ang mga magsasaka at binigyan ng libreng binhi na hybrid at fertilizer.

Nagtipon-tipon ang mga magsasaka ng Bubong, Lanao del Sur upang saksihan ang grand harvest festival sa inilunsad na 50 ektaryang hybrid rice technology demonstration farm ng SL Agritech Corporation sa Barangay Pantar. (Photo: James Umaran/PIA ICCC)

Sa isang grand harvest festival na ginanap noong Mayo 29, sinabi ni Frisco Malabanan ng SL Agritech Corporation na kayang-kaya ng mga magsasaka na sundan ang teknolohiya para sa kaunlaran ng kanilang komunidad. “Ibukas ang ating isipan sa makabagong teknolohiya, sundan ang mga protocol…at palagay ko po sa pagbalik namin dito, malaki na ang pagbabago tungo sa pag-unlad ng Lanao del Sur at buong Mindanao,” ayon sa kanya.

“I’m hoping na matuto din kayo magmanage nitong inumpisahan na negosyo sa agrikultura,” sabi naman ni Ginggay Hontiveros-Malvar, Go Negosyo ARMM Projects Program Head and Adviser for Agripreneurship.

Malaking pasasalamat naman ni Siba Ditucalan, isa sa mga benepisyaryo, dahil sa tulong at kaalaman na ibinahagi sa kanila ng SL Agritech Corporation. Hinimok niya ang kanyang kapwa magsasaka na magtulung-tulungan para makaani sila nang malaki.

Balak rin na palawakin ang inisyatibong ito upang mas marami pang magsasaka sa Lanao del Sur ang matulungan at upang magkaroon ng tuluy-tuloy na pag-unlad. (LEAntonio/PIA ICCC)