Ni Lou Ellen L. Antonio

MARAWI CITY, Hunyo 7 (PIA TFBM ICCC) — Kasabay ng obserbasyon ng Ramadhan, inilunsad ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) ang proyektong “Duyog Ramadhan Alang sa Kalinaw” sa Biyaya ng Pagbabago Temporary Shelter Site, Bahay Pag-asa Transitory Site, at Sarimanok evacuation sites.

Alinsunod sa temang “Rebuilding Peace, Celebrating Life,” ang pangunahing layunin ng proyektong ito ay ang isulong ang pagkakaisa sa mga residente sa Marawi City.

Tinatayang 1,500 kabahayan sa mga transitional site sa Marawi City ang kasali sa proyekto kung saan bibigyan sila ng suporta sa pagpapalakas sa kanilang ispiritwal na pagpapabuti, pagkakaroon ng social healing at ng mabuting relasyon sa bawat isa at ang paghahatid ng mga programang pang sosyo-ekonomiya.

Nagsama-sama ang mga residente ng Area 4, Biyaya ng Pagbabago Transitional Shelter Site para sa oryentasyon ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) tungkol sa proyektong “Duyog Ramadhan Alang sa Kalinaw”. (Photo: James Umaran/PIA ICCC)

Ang proyekto ay nagsimula noong Hunyo 6 at magtatagal hanggang Hunyo 15. Ilan sa mga aktibidad na inihanda ay ang pagtatayo ng community kitchen, community Iftar/solidarity dinner, peace and Ramadhan symposium series, Qur’an reading contest, peace and Islamic film showing, Islamic art workshops, camp beautification contest, basic farming and gardening skills, at solid waste management and recycling.

Para maipagpatuloy ang pagbigay ng tulong sa ispiritwal na pangangailangan at serbisyo sa mga apektadong pamilya ng Marawi, magkakaroon rin ng peace caravan sa Hunyo 11-13 sa tatlong lugar sa Marawi. Ang iba’t ibang ahensya ng Task Force Bangon Marawi ay makikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Marawi, Lanao del Sur at Autonomous Region in Muslim Mindanao, at mga lokal at internasyonal na civil society organizations para maghatid ng serbisyo at humanitarian support. (LEAntonio)