Ni John Paul F. Soriano

MARAWI CITY, June 4 (PIA TFBM ICCC) – Sa pangunguna ng Department of Education (DepEd), naging matagumpay ang simula ng pasukan para sa school year 2018-2019 sa mahigit 30 pampublikong paaralang pang-elementarya at sekondarya sa lungsod.

Muling nakabalik ang mga estudyante sa kanilang mga paaralan na naihanda sa tulong ng mga programang Brigada Eskwela at Oplan Balik Eskwela ng DepEd.

Bukod sa mga guro, magulang at mag-aaral na nagsama-sama para maisaayos ang mga eskwelahan, nakiisa rin ang iba’t ibang division ng DepEd sa buong bansa.

Nagbigay sila ng kanilang oras at lakas at nagdala rin ng mga donasyon kagaya ng mga libro, silya, lamesa, school kits, teacher kits at iba pa.

Inaasahan din na mas marami pang tulong ang matatanggap sa mga darating na araw mula sa gobyerno at pribadong sektor.

Papasok na sa kanilang mga klase sa Saduc Central Elementary School (SCES) ang mga estudyante mula sa iba’t ibang kalapit barangay. Isang catchment school (area) ang SCES. (Photo by: John Paul F. Soriano/ PIA ICCC)

Kasama rin sa isinagawa ng DepEd ngayong pasukan ang pagtataguyod ng catchment schools (areas), kung saan nagkaroon ng consolidation at pag-iisa ng mga pampublikong paaralan.

Layunin nitong pagsama-samahin ang kanilang mga kagamitan at kaguruan para mapagsilbihan nang mas mabuti ang mga mag-aaral.

Ito ay nakapaloob sa DepEd Order No. 40 na nagsasaad na kailangang ang mga pampublikong paaralan ay may layo sa isa’t isang hindi bababa sa isang kilometro.

Nakikinig sa kanilang guro ang mga mag-aaral mula sa ikatlong baitang. (Photo by: John Paul F. Soriano/PIA ICCC)

Sa kasalukuyan, mayroong mahigit 14,000 na estudyanteng naka-enroll sa mga pampublikong paaralan sa Marawi.

Masigla namang sinimulan ng mga guro ang kanilang mga klase.

Ayon kay Saduc Central Elementary School Assistant Principal Sainollah Salem, bahagi rin ng kanila itinuturo sa mga mag-aaral ang kahalagahan ng kapayapaan. (John Paul F. Soriano/PIA ICCC)