Ni Donabel Norei Magsino

Mabigat at hindi biro ang responsibilidad na naka-atang sa mga kagawarang tumututok sa mga serbisyong panlipunan. Nakasalalay sa kanilang maagap na pagtugon ang pangangailangan ng mga mamamayan—lalo na ang mga biktima ng iba’t ibang kalamidad at krisis.

Nagsisilbing mukha at kamay ng gobyerno ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) tuwing may krisis na kinakaharap ang mamamayang Pilipino. Mukha na nagpapaalala sa mga biktima na may kaagapay sila sa madilim na yugto ng kanilang buhay; kamay na sumasaklolo at agarang naghahatid ng ayuda.

Mahigit isang taon na matapos sumiklab ang bakbakan sa Marawi. Mahigit isang taon na ring kasama ng mga apektadong komunidad ang DSWD.

“Ang DSWD laging handa. Emotionally, physically, mentally, kailangan dapat handa. Kung iyak, kung stress [ang pag-uusapan], punung-puno na kami pero ‘yun nga lang, in the name of service, para makatulong sa fellow Filipinos, kailangan talaga naming i-debrief ang mga sarili namin. Trabaho namin ito, mandato namin,” kwento ni Majah Kasan, isang DSWD social worker na nakadaupang-palad ko sa Brgy. Tampilong, Marawi City.

Kasama si Majah Kasan sa mga unang grupo mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na rumesponde noong kasagsagan ng Marawi siege. (Photo: Jason Casas/PIA ICCC)

Ayon kay Kasan na mula pa sa Koronadal City, apat na taon na siya sa kanyang propesyon. Para sa kanya, kakaiba ang krisis sa Marawi dahil mas mahaba ang panahong nakasalamuha nila ang mga bakwit kumpara sa ibang mga narespondehan nilang lugar.

May mas malalim din umano siyang pinaghuhugutan sa kanyang paghahatid-serbisyo, “Apektado rin kasi ako noon ng ganitong calamities doon sa Maguindanao, internally displaced person (IDP) din ako dati.”

Sa kabila ng mga sakripisyong kailangang ibigay, masaya raw si Kasan dahil nagagamit niya ang kanyang lakas at kaalaman para paglingkuran ang bayan.

Sa pinakahuling tala (noong Hunyo 20, 2018) ng DSWD, aabot sa 46,050 na pamilya na ang nakabalik sa 72 barangay sa Marawi at nakatanggap ng Kambalingan assistance mula sa DSWD.

Habang 15,664 pamilya pa rin ang home-based o nakikitira sa bahay ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan sa mga karatig-lugar at ibang rehiyon; 920 pamilya naman ang tumutuloy sa 23 evacuation center sa mga rehiyon ng Northern Mindanao at ARMM.

Sa ganitong klaseng sitwasyon, batid ng kagawaran ang pangangailangan para sa tuloy-tuloy na serbisyong panlipunan kaya’t sinisiguro nilang sapat ang kanilang pwersang nakatuon sa Marawi operations.

Gayunpaman, isinasaalang-alang din umano ng DSWD ang kapakanan ng mga social worker. “Dati ang haba-haba ng special order namin, umaabot kami ng isang buwan [sa Marawi]. Ngayon pinaiksi na, kino-consider din natin yung mga worker na may mga pamilya, asawa’t anak rin na naghihintay sa bahay,” dagdag pa ni Kasan. Sa ngayon, kada 10 araw ay nagpapalitan umano ang mga DSWD team na naka-deploy sa Marawi.

Kinailangan din daw kumuha ng DSWD ng mga dagdag na kamay tulad ng mga field worker, encoder, hauler, at camp manager para mas mapagsilbihan nang mabuti ang mga apektadong residente.

Kabilang ang mga kamay ni Khalid Maulay sa mga kasalukuyang tumutulong sa mga kapwa IDP mula pa noong Nobyembre 2017. Nasira ang kanilang bahay sa Barangay Moncado Kadingilan na nasa loob ng most affected area.

Masayang nagbabahagi si Khalid Maulay, 22 anyos, tungkol sa kanyang karanasan bilang bakwit at kawani ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). (Photo: Jason Casas/PIA ICCC)

“Nagbakwit kami sa Saguiran, kami ng pamilya ko. Bago ako mapunta dito [sa DSWD], nag-volunteer din ako as a teacher doon sa eskwelahan sa Saguiaran. May kaibigan na tumawag sa akin at nag-alok ng trabaho sa akin bilang Kambalingan admin staff.”

Ayon kay Maulay, masaya sa pakiramdam na makatulong sa mga kapwa niyang residente rin ng Marawi. Mas madali rin daw ang pakikiharap sa mga benepisyaryong kapwa niya Maranao dahil naiintindihan niya ang mga pinagdadaanan nila.

Kabilang sa mga natatanggap na Kambalingan assistance ng mga benepisyaryo ang limang libong pisong tulong-pinansyal, food pack na tatagal ng 17 araw, ilang kagamitan sa kusina, at hygiene kit.

Sa ngayon, umabot na sa P576,761,243 ang halaga ng Kambalingan Assistance na naipaabot ng DSWD sa mga pamilyang nagbalik na sa Marawi.

Malaki ang ambag ng mga lingkod ng bayan tulad nina Majah Kasan at Khalid Maulay sa nagpapatuloy na rehabilitasyon ng Marawi. Magkaiba man ang pinagmulan, pareho silang nagmamalasakit sa mga kapatid nating Maranao na nagsusumikap makabangon.

Sila rin ang mukha’t kamay ng kagawaran—ng gobyernong kumakalinga at sumusubaybay para sa muling pagbangon ng Marawi. (DNMagsino/PIA ICCC)