By Lou Ellen L. Antonio

MARAWI CITY, Dec 22 (PIA ICCC) – Ipagpapatuloy ang pagsasagawa ng Kathanor simula January 14, 2019 para sa mga internally displaced person (IDP) at mga nakabalik na residente ng Marawi.

Ang Kathanor ay isasagawa limang beses sa isang lingo, simula Lunes hanggang Biyernes.

Ayon kay Task Force Bangon Marawi (TFBM) Field Office Manager, Assistant Secretary Felix Castro Jr., mahigit 7,000 pamilya na ang naiprofayl (profile) para sa Kathanor.

“Inaayos natin ito at iniexplain naman natin na ito ay paggagather (pagkokolekta) ng data kung sino ba talaga ang residente ng Marawi,” ani Castro.

Ayon kay Nasrollah Bitiara, isang residente na nagpaprofayl sa iskedyul ng Kathanor noong Dec. 21, makakatulong ang Kathanor para malaman kung sino ang mga totoong residente ng Marawi. Hinikayat rin niya ang mga kapwa residente na sumali rin sa Kathanor.

“Sumali po kayo dito sa Kathanor para po malaman natin kung sino talaga ang mga taga-ground zero at para iyong mga problema natin mapaayos lahat. Okay lang naman iyong proseso madali at wala naming problema,” ani Bitiara.

Ang Kathanor ay pinangunahan ng TFBM na may layunin na kolektahin ang bilang, lokasyon, katayuan at iba pang mga katangian ng mga IDP ng Marawi City. Ang data na makakalap ay tutulong sa Gobyerno na palakasin ang disenyo nito sa paghahatid ng tulong para sa pagbangon ng Marawi.

Ang mga IDP na nakapagrehistro ay maisasama sa database ng TFBM para sa mga nakalaang proyekto ng gobyerno.

Para sa mga anunsyo ukol sa iskedyul ng Kathanor, bisitahin ang Facebook page ng TFBM @bangonmarawiph. Para sa mga katanungan, tumawag o magtext sa TFBM hotline 09214683930 o 09663559652. (LEAntonio/PIA ICCC)