Ni Lady Jean L. KabaganiMARAWI CITY, JUNE 5 (PIA ICCC) – Nagtipon-tipon ang mga Maranao sa iba’t-ibang mosque sa Marawi City para mag-alay ng dasal sa pagtatapos ng buwan ng ramadhan o Eid’l Fit’r ngayong taon.Pagpatak ng alas-sais ng umaga ay sabay-sabay na nagsimula kanilang pagdarasal na sinundan naman ng ‘Khutba’ o pagsesermon ng imam.

Kabilang sa pinagdausan ng dasal ang mga mosque sa Area 4 at Area 6 ng Biyaya ng Pagbabago Transitional Site sa Marawi City, pati na rin ang mga residente na kasalukuyang naninirahan sa Sarimanok Tent City ay matiwasay na nagdiwang ng Eid’l Fit’r.

Karamihan naman sa mga residente mula sa 74 barangays ng Marawi ay nagtipon sa Marawi State University-Main Campus grounds para mag-alay ng dasal o “sambayang” sa dayalektong Maranao.

Ang ilang mga residenteng nagsamba sa MSU-main grounds, napaluha habang patuloy ang ‘khutba’ ng imam. Tumagos kasi sa puso ang bawat salita ng imam.Nang matapos ang kanilang pagdarasal, ang mga Muslim na naroon ay naghandog ng mahihigpit na yakap sa isa’t-isa na tanda ng pagyakap rin nila sa kapayapaan.

Kasama sa dasal ng internally displaced persons o IDPs sa Marawi ang mabilis na pagbangon ng siyudad mula sa naganap na kaguluhan dalawang taon na ang nakakalipas.

Matatandaan na ilang araw sa pagsisimula ng buwan ng ramadhan sa noo’y nananahimik na siyudad ng Marawi, May 23, 2017 ay lumusob ang mga miyembro ng Maute-ISIS linked group sa sentro ng lungsod hanggang sa nagresulta ito ng aabot sa limang buwang bakbakan sa pagitan ng tropa ng militar at ng teroristang grupo. Sa kabila nito, nagibg matatag ang mga maranao at hinarap ang bawat hamon ng kanilang kapalaran.

Kaya naman sa pagtatapos ng kanilang pag-aayuno, nais din ng bawat IDP na matapos na rin ang rehabilitasyon ng Marawi City.

Samantala, hinimok naman ni Professor Rashid Bacca, Vice President for Planning and Development ng MSU-Main Campus ang mga kapwa nito maranao na habaan pa ang kanilang pasensya at tumulong sa muling sa pagrerehabilita ng Marawi City.

Binigyang-diin din ng opisyal ang patuloy na supportang ibibigay ng MSU-Marawi sa ginagawang rehabilitasyon ng gobyerno para sa lungsod.

Naniniwala naman ito na tutuparin ng pangulo ang kanyang pangako na itatayo nito ang mas mapayapa at mas maunlad na Marawi City. (LJKabagani/PIA ICCC)