By Demetrio Ragua and Marlon Atun

LUNGSOD NG ILIGAN, (PIA-ICCC) Pinangunahan ng National Economic Development Authority (NEDA) ang pagpaplano at konsultasyon na naglalayong ayusin at pag-isahin ang mga plano para sa rehabilitasyon at rekonstruksyon ng Marawi City.

Ang pulong at konsultasyon na ginanap sa Marawi City Hall noong ika-6 ng Disyembre ay dinaluhan nina NEDA Undersecretary Roda Navarro at Marawi City Mayor Majul Gandamra. Kasama din sa konsultasyon ang mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan ng Marawi, lalawigan ng Lanao del Sur at Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), at iba pang ahensya ng pamahalaan.

“Sa pagpunta ninyo [NEDA] dito, kayo po ang magiging witness na talagang kailangan namin ng suporta ng national government and as well as other sectors; even private entities, kailangan din namin ng suporta ninyo. So with this collaboration, ako po ay very positive na ang Marawi City ay makakabangon pong muli sa inyong tulong,” pahayag ni Gandamra.

Layon ng konsultasyon at pagpaplano na mapag-isa ang mga inihandang programs, projects and activities (PPA) ng mga lokal na pamahalaan. Layunin rin nila na malaman ang mga nakahandang plano para sa madalian at pangmatagalang rehabilitasyon ng Marawi.

Sa ganitong paraan ay mas mapapabilis ang pagtingin sa mga prayoridad na proyekto at ang tamang halaga na dapat ilaan upang agad na itong maumpisahan.

Malaking bahagi sa mga programang inilatag ng mga taga plano sa rehabilitasyon ay mapupunta sa imprastruktura at mga pangunahing pasilidad ng lungsod tulad ng pamilihang bayan, terminal ng mga pampublikong sasakyan, food terminal, elektrisidad, tubig na inumin at mga pantalan. Iminungkahi rin ng NEDA ang pagsasagawa ng panibagong pasilidad para sa lungsod kung mas magiging magastos ang pagkukumpuni sa mga ito.

Sa parte ng Lanao del Sur provincial government, nagsagawa umano sila ng mga pulong kasama ang iba’t ibang sektor na kinabibilangan ng mga apektadong resident upang mabuo ang kanilang isinumiteng PPA.
Sa isinagawang pagpaplano ay nagrekomenda na rin ng iba pang mga proyekto si Navaroo. Kabilang sa mga ito ang pagkakaroon ng samahan ng mga gumagawa ng lokal na produkto, kung saan maipapakita ang lokal na sining at kultura ng mga Maranao at ng buong Lanao del Sur. Ang nasabing proyekto, ayon sa opisyal ay maaaring pagmulan ng mga proyektong pangkabuhayan para sa mga naapektuhang residente, kasama na ang promosyon sa turismo ng naturang mga lugar.

Dagdag pa rito, nagmungkahi rin si Navarro ng pagkakaroon ng mga proyektong pangkabuhayan para sa mga naapektuhang kabataan.

Ayon pa sa kanya, importanteng maiayos ang mga PPA upang mapaglaanan na ito kaagad ng pondo. Dagdag niya, aabot sa P10 bilyon ang nakalaan para sa rehabilitasyon at rekonstruksyon ng Marawi, na nakapaloob sa pambansang budget ng 2018.

Nabanggit din sa pagpupulong na ang Department of Trade and Industry (DTI) ay posibleng magkaloob ng zero interest loan para sa mga apektadong negosyante. Dahil dito sinabi ng opisyal na mas mabuti kung maiaayos na rin ng mga lokal na pamahalaan ang mga target nilang proyektong pangkabuhayan.

Ayon pa sa NEDA, kinakailangan nang matapos ang paghahanda ng mga plano para sa pangmadaliang proyekto ng lokal na pamahalaan ngayong Disyembre at dapat na itong maumpisahan pagsapit ng Enero 2018.

Inaasahan na magkakaroon pa ng mga kasunod na konsultasyon at pagpupulong ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, NEDA at iba pang ahensya ng gobyerno sa sandaling maiayos na ang listahan ng mga prayoridad na proyekto at programa para sa pagbangon ng Marawi.

(Larawan ni James Umaran/PIA-ICCC)