Ni John Paul F. Soriano

Marawi City, July 6 (PIA TFBM ICCC) – Inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanilang proyektong Sustainable Livelihood Program (SLP) – Marawi sa Sarimanok Tent City.

Ang SLP ay naglalayong matulungan ang internally displaced persons ng Marawi sa paraang pagbibigay ng kapasidad upang magkaroon ng matatag na kabuhayan sa pamamagitan ng negosyo o trabaho.

Mahigit sa 300 pamilya ang unang pangkat ng mga benepisyaryo ng SLP, bawat isa sa kanila ay nakatanggap ng seed capital fund na nagkakahalagang P10,000.

P3.23 M ang kabuuang halaga ng ibinigay na seed capital fund ng DSWD sa IDPs ng Sarimanok Tent City. Ilan sa mga negosyong paggagamitan nito ay sari-sari at community store, pagtitinda ng bigas at isda, paggawa ng Maranao delicacies at dress making. (Photo by: John Paul Soriano/PIA ICCC)

Ang mga benepisyaryo ay ang mga pinakanangangailangang sambahayan na natukoy mula sa assessment na isinagawa ng DSWD.

Patuloy ring nagsagawa ang DSWD ng assessment sa iba pang resettled communities para maiabot ang tulong sa iba pang nangangailangang residente ng Marawi.

Bilang kilala na mahuhusay sa kalakalan, karamihan sa mga benepisyaryo ay nais magtayo ng kani-kanilang negosyo.

Iminungkahi naman ni DSWD Secretary Virginia Orogo sa kanila na pag-isipang mabuti ang mga sisimulang hanapbuhay.

Nagbigay rin siya ng ilang paraan upang mas maging matagumpay ito.

Isa dito ay ang pagsisimula ng kooperatiba na siya namang nais gawin ni Edres Macapundag, isa sa mga benepisyaryo ng SLP.

Masayang tinanggap ni Edres Macapundag ang seed capital fund na kanyang gagamitin para makagawa muli ng Maranao delicacies. (Photo by: John Paul Soriano/PIA ICCC)

Siya ay dating gumagawa ng Maranao delicacies na natutunan niya mula sa kanyang ina at sa training mula sa Technical Education and Skills Development Authority.

Mula sa seed capital fund na tinanggap balak niyang makipagtulungan sa ibang benepisyaryo upang masimulan muli ang kanyang dating hanapbuhay.

Kagaya ng ibang nakatanggap ng nasabing tulong, taos-pusong nagpapasalamat si Macapundag.

“Nagpapasalamat kami sa pamunuan ng DSWD at saka sa Task Force Bangon Marawi at sa Marawi LGU (local government unit) kasi sila yung tumutulong sa amin…Isang libong pasasalamat sa natanggap namin na capital,” aniya.

Mensahe naman ni Sec. Orogo sa kanila na magtulungan at hiniling niya ang ikabubuti ng mga nabiyayaan ng tulong, “Ang akin pong dalangin sana mapalawak ninyo ito at mapalaki.”

Kasabay ng paglulunsad ng Sustainable Livelihood Program, namahagi rin sa Sarimanok Tent City ang SM Foundation ng hygiene kits. (Photo by: Jason Casas/PIA ICCC)

Para masiguro ang tagumpay ng proyekto, magtatalaga ang DSWD ng project development officers na susubaybay sa implementasyon nito.

Magtuturo rin sila para masiguro ang sustainability ng proyekto.

Patuloy naman ang pagtutulungan ng DSWD, iba’t ibang ahensya at mga organisasyon para makapaghatid ng mga agarang tulong at oportunidad upang makabangong muli ang Marawi at mga residente nito. (JSoriano/PIA ICCC)